Monday, June 8, 2009
OPISYAL NA POSISYON NG ENTABLADO UKOL SA HR 1109
ANG OPISYAL NA POSISYON NG ENTABLADO UKOL SA HR 1109
Kami sa ENTABLADO, ENterteynment para sa TAo, Bayan, LAnsangan, at DiyOs, ay tuwirang tumututol sa madalian at kaduda-dudang pagpapasa ng House Resolution 1109 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas na bumuo ng isang Constituent Assembly. Naninindigan kami na salungat ang mapusok, pabaya, at mabugsong prosesong pinagdaanan ng pabubuo at pagpapasa ng HR 1109 sa aming paniniwala bilang isang organisasyong minimithi ang isang sambayanan na tumutubo at kumikilos sa loob ng sistema na nagtataguyod ng karapatan ng bawat tao na magsulong ng katarungang panlipunan. Tinitingnan ng ENTABLADO ang HR 1109 bilang isang paglabag sa likas na katangian ng ating Konstitusyon, at higit sa lahat, sa karapatang pantao.
Naniniwala kami na hindi napapanahon ang pagpapasa ng HR 1109 sapagkat nasa karurukan na ang sambayanan sa paghahanda sa nalalapit na eleksyon. Tuwirang di maiiwasang magpaliyab pa ng iba’t ibang isyu tulad ng pagpapahaba ng termino ng mga opisyal ng administrasyong Arroyo ang mabilisang pagpapasa ng HR 1109, na hindi tumutulong sa pagtataguyod ng isang malayang lipunan, bagkus, sadyang nakakapagbukas pa sa isang nakahahambal na hinaharap para sa ating bayan. Sa halip na mang-udyok ng tiwala sa ating mga mambabatas, sadyang nakakapambuyo pa sa mga mamamayan na pagdudahan ang aksyon sa likod ng pagpasa ng HR 1109.
Bukod sa madaliang pagpapasa ng HR 1109, hindi rin sang-ayon ang ENTABLADO sa sinsasabi mismo ng resolusyon na iisa at sabay ang pagboto ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa Constituent Assembly. Mawawalan ng kapangyarihan at boses ang ating Senado dahil malulunod ang kanilang 24 na boto sa boto ng 238 na kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Malinaw na isa itong pagbabaliwala sa kapangyarihan ng ating Senado, ng ating Konstitusyon, at higit sa lahat, isa itong pagdusta sa katarungang panlipunan. Naniniwala kaming nararapat na maging bicameral ang pagboto ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas sa isang Constituent Assembly. Kumbaga, hiwalay dapat ang pagboto ng dalawang nasabing kapulungan.
Bagaman kinikilala namin ang posibilidad na maaaring magbunga ng mga mabuting pagbabago ang pagkakaroon ng susog sa Konstitusyon, naniniwala kami na hindi ngayon ang tamang panahon upang itaguyod ang ganitong pagbabago. Inililihis ng mismong pagpapasa ng HR 1109 ang pansin ng mga mambabatas at pati na rin ng mga mamamayan sa mga isyu na higit na kinakailangang tugunan sa panahon natin ngayon—mga isyung patuloy na bumabagabag sa ating lipunan tulad ng CARPER at extrajudicial killings na lubusang magtataguyod ng karapatang panlipunan kung lulutasan.
Nilalabag ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang likas na katangian ng Kongreso batay sa ating Konstitusyon sa kanilang pabaya, maragsa, at mabugsong pagpapasa ng HR1109. Bilang isang organisasyon, naniniwala ang ENTABLADO sa pagsasakatuparan at sa pagpapalaganap ng katarungang panlipunan at nagsisimula ito sa pangangalaga sa halaga at sanktidad ng pinakamataas na halahay ng mga batas ng sangkapuluan. Samakatuwid, naninindigan ang ENTABLADO sa paniniwalang kahangalan at hindi naaayon sa kapakanan ng taong-bayan ang mapusok na pagpapasa ng HR 1109.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment