Monday, October 26, 2009

PARA SA UNANG SEMESTRE NG AKING HULING TAON...

Sobrang di ko ma-describe ang pakiramdam. Pero nais kong magpasalamat sa inyong lahat na tumulong sa akin ngayong first sem.

Salamat sa iyo, sa iyo, at sa iyo.

Salamat LORD! I didn't expect this, pero SOBRANG SALAMAT!!!


***

LAST SEM OF MY LAST YEAR IN COLLEGE... BRING IT ON!!! GO go go 4.0!!!

Thursday, October 8, 2009

REUNION

Pupunta sina mama dad at cj bukas dito sa Manila. Sina angel jappy at ninang naman sa Friday. Tapos kasal sa saturday.

WOW FAMILY REUNION! Exciting.

Pero di ko mapigilan 'yun takot.. Ewan. Sana matanggap nila yung sitwasyon ko ngayon...

At fresh pa 'yung sugat. Sana maghilom na bukas.

Tuesday, October 6, 2009

4.0

Masaya ako ngayon. Lalo na dahil dito. Hindi ko akalaing makakagawa ako ng A-paper sa Philo. Sa tingin ko, ito ang una at huling pagkakataon kong magkaroon ng A-paper sa Philo. Gustong-gusto ko talaga itong subject na ito. Siguro kung nag-pursue ako for law, magphi-Philo major ako.

Kaya ishe-share ko na lang. Ang saya ko! :) At last!!!

***
Agosto 13, 2009

Sinususbukan ni Platon na maglaan ng rasyunal na saligan para sa moralidad sa pamamagitan ng pagsasabi na nagmumula ang kabutihan ng buhay-tao at ng mga kilos-tao sa harmonia na nagpapatubo ng tao sa kanyang psyche at sa kanyang polis. Ang eidos ng Mabuti ang nagsisilbing gabay at layunin ng katwiran ng tao. Higit na kapaki-pakinabang daw, kung gayon, ang pagiging makatarungan kumpara sa pagka-hindi-makatarungan.

Maiuugat ang paglalaan ni Platon ng rasyunal na saligan para sa moralidad sa kanyang tuwirang pagpapahalaga sa pangangalaga ng mga kalakaran ng polis, kung saan sadyang binibigyang-pansin ang pagtugon ng bawat miyembro ng polis sa kanilang mga tungkulin, at kung saan ang lahat ay tinatamasang magkaroon ng tanyag na kagalingan sa pulitika, upang mapanatili ang pamamaraan ng kanilang buhay sa polis. Kasabay ng pagtanggi sa hedonismo at relatibistikong pag-iisip na naghahayag na sadyang magkakaiba ang pagtugon ng tao sa kung ano ang mabuti at kung ano ang masama base lamang sa “sarap” na nakukuha sa paggawa na base rin sa sariling paniniwala ng tao na siyang laganap sa polis, tuwirang hinayag ni Platon ang kanyang paniniwala na maaaring magkaroon ng tiyak at obhetibong mga batayan ng etikal at moral na paggawa na mismong hinahabi ng mga gawain at mga paniniwalang naaayon sa katarungan—mga kalakaran at ang mismong pamumuhay na makatarungan. Hindi maaaring maging pansariling isyu lamang ang mga gawain ng tao sapagkat ang mismong aksyon ng tao ay ginagawa niya sa lipunan, bilang siya ay nakapabilang sa lipunan. Ang mga gawain ng indibidwal ngayon ay maituturi na ring usapin ng lipunan—na mismong humihikayat na ang mga pamamaraan ng tao sa buhay ay kailangan niyang ganapin lalong higit alang-alang sa kapakanan at kabutihan ng kanyang polis. Ayon kay Platon, ang katarungan ngayon ang magsisilbing pinaka-esensyal na katangian ng tao—ang paggawa ng aksyon ng tao ayon sa dike sa polis—na mismong magiging batayan niya sa kanyang paggawa, pagbatid, at pag-unawa nang may etikal na pagpapahalaga upang mapalaganap ang kaayusan sa polis. Ang katarungan ngayon ay itinatalaga di lamang dahil sa kumbensyon o dahil sa mga batas o kalakaran na posibleng makita sa isang lugar, kundi ito ay maituturing isang kaayusan o harmoniya ng iba’t ibang mga grupo sa lipunan.

Sa pagpapatupad ng mga aksyon ng tao ayon sa dike, naghahagad na rin ang mismong aksyon na ito ng mabuti sa pagganap ng kaayusan. Datapwat sa mga argumentong inihayag ng mga Sopistang tulad nina Glaukon, Thrasymachus, at Callicles, na mas maraming matatamasa ang tao kung hindi aayon sa makatarungang paggawa at di hamak na mas pipillin ng taong pumanig sa di-makatarungang paggawa kapalit ng mga pagkakataong makakuha ng mas maraming mga bagay na magdudulot ng saya tulad ng kuwento ng Singsing ni Gyges, binigyang-diin ni Platon ang nosyon na ang maaaaring maging ganap na makatarungan ang gawain ng tao at tunay na makakapagbigay ng mabuti sa polis kung aalamin lang ng tao ang istruktura ng kanyang psyche—na ang kung ano mang kuwan na malinaw na nagbibigay ng pagkakaiba sa isang bagay na buhay sa bagay na patay—ang mismong prinsipyong nagbibigay buhay sa lahat ng mga pangyayari. Ito ang mismong maaaring magtakda ng kung anong klase ng buhay ang mararanasan ng indibidwal—at pati na ng kanyang polis.

Mayroong tatlong elemento na makikitang nakaayos sa hirarkiya ang psyche. Isa na rito ang nasa, ang bahagi ng psyche na ukol sa natural na pangangailangan ng katawan upang mabuhay na kung wala ay maaaring ikahamak pa ng katawan. Ang gana naman ay maituturing isang matinding tulak ng loob upang makamit o magawa ang isang bagay. Ang panghuli ay ang elemento ng rason o katwiran, na para kay Platon ay nagsisilbing pinakamahalagang elemento ng psyche na nagpapapaka-tao sa Tao, sapagkat ito ang gumagabay, sa pamamagitan ng pagpigil o pag-udyok, sa nasa at gana ng tao sa kanyang buhay. Sa paggabay ng katwiran, nagkakaroon ng kagalingan sa nibel ng nasa, kung saan nagkakaroon ang tao ng kasanayan sa sarili na pangasiwaan ang pagnanasa. Bukod pa rito, sa pagdikta ng katwiran sa nibel ng gana, nagkakaroon ng isang uri ng kagalingan sa pagtitimpi ng gana o paghihimok ng gana tuwing kailangan. Dahil sa balanseng nagagawa ng katwiran na mismong nagpapabukod-tangi sa tao, nagagawa ng taong maging magaling na mismong nagiging hudyat sa kanyang umabot sa nibel ng pagkakaroon ng arete—o kagalingan ayon sa katangian ng tao—nagagawa niya ng mahusay ito.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng balanse ng mga elemento ng psyche ayon sa gabay ng katwiran, nagkakaroon ng kagalingan ang tao na pangasiwaan ang kanyang nasa at gana na magdudulot ngayon ng isang kagalingan na rin sa dako ng kagalingang moral. Sapagkat nagiging katotohanan ang arete, masasabing may kagalingan nga ang tao sa paggamit ng kanyang katwiran lalo na sa mga panahong nakabatay ang pagkilos niya sa etikal na pamamaraan. Hindi hahayaan ng isang makatarungang tao ang iba’t ibang elemento ng kanyang psyche na magkagulo o tumugon sa masidhing tawag ng nasa o gana sapagkat siya na mismo ang magpapalaganap ng kaayusan ng kanyang buhay sa panahon na mahabi na niya ng tama ang mga hirarkiya ng mga elementong ito, na may paggabay ng katwiran sa pagbubuo niya ng kanyang mga prinsipyo, at magagawa niya ang mga tungkulin niya na lagi’t laging may pagtugon sa harmoniya o kaayusan ng mga elementong ito—para sa kaayusan at kabutihan ng polis. Bagkus, matatawag lang na may tanyang na kagalingan ang aksyon kung ginawa ito sa abot-tanaw ng katwiran—ng etika. Sa kabilang banda, sa mga panahon na hindi naisasaganap ng tao ang kanyang tungkuling pagpanguluan ng kanyang katwirang pangasiwaan ang kanyang gana at nasa, dumarating sa mga punto na nagkakaroon na ng bisyo ang tao. Nagkakaroon dito ng pagmamalabis o pagkukulang sa nasa at sa gana ng tao—napapalagap ngayon ang mas mababang mga bahagi ng psyche ng tao. Kaya tuwirang itinataguyod ni Platon na kinakailangang mapayaman ang kahusayan ng psyche sapagkat hinihigitan ng katwiran ang mga kahingian ng katawan. At dahil sa kahusayan ng katwiran at sa pagiging sanay dito, matatamo rin ang kahusayan din ng katawan ng tao.

Dahil na rin sinasalamin ng indibidwal ang mga kaganapan sa polis, itinatalaga rin ni Platon na kinakailangang magkaroon ng kaayusan at harmoniya sa tatlong natatanging uri ng mga tao sa polis: ang mga pinunong may taglay na karunungan na ang dapat na magkaroon ng arete sa larangan ng dunong, ang mga sundalo o administrador na may kahusayan sa pagkontrol ng kanyang tapang, at ang mga magsasaka at manggagawa na may kagalingan sa pagtitimpi ng kanilang nasa. Sa pagpapalaganap ng harmoniyang ito, nagagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang may kagalingan sa larangan ng psyche at sa kagalingang moral dahil sa kanilang pagkilos ng etikal (pinapalaganap ng kanilang katwiran) para sa kabutihan ng kanilang polis.

Mula rito, makikitang laganap ang pagtaguyod ng paggabay ng katwiran sa pagpapalaganap ng katarungan sa polis. Bukod pa rito, binibigyang-diin din ni Platon na ang mismong pagdanas ng kagalingan at katarungan sa polis ng tao ay nagmula sa pagtanaw ng tao sa eidos ng Mabuti—ang mismong ideya na nagsisilbing gabay kung ano ang mabuti para sa tao—para sa kanyang polis. Ipinapakita ni Platon na ang tao ay madalas napapaloob sa isang yungib kung saan marami sa karanasan ng tao ay batay lamang sa pandama—na maaaring maging mali—at may araw sa loob ng kuweba na maituturing pinagmumulan ng Mabuti. Likas sa taong maganyak sa pagiging mabuti—ninanais niya ito, layunin niyang maging mabuti—ngunit hindi maaring makita ng tao ang kabuoan ng Mabuti sapagkat pagiging matindi ang kaganapan ng Mabuti, hindi kakayanin ng tao ang kabuoan nito. Kaya bumabaling na lang ang tao sa eidos o ideya na pinapakita ng Mabuti na mismong gumagabay sa kanya sa pagpili ng mga gawain, na mismong nagiging layunin niya sa pagdidikta ng kanyang katwiran, at sa pagpapalaganap niya ng katarungan para sa kanyang polis. Dahil dito, nalalagpasan na ng tao ang pagdanas sa aspekto ng pandama patungo sa pagdanas na may pag-unawa. Ang tao ngayon ay may ideya na kung paano maging mabuti kahit na hindi niya ito perpektong naipapakita kaya’t may hamon na sanayin ng tao ang kanyang sarili na pagsumikapan na ilagay ang pagkilos patungo sa pag-atim ng katarungan na mararating lamang sa pamamagitan ng pag-unawa ng mga kaganapan sa kanyang sarili at sa paligid niya—sa kanyang polis.

Maitutulad ngayon ang pagiging makatarungan sa kalusugan at kagandahan ng katawan. Kapag hindi naging makatarungan ang nagmamay-ari ng katawan, bilang walang pakundangan ang pag-abuso ng pagkain ng mga hitik-sa-kolesterol na mga pagkain at pati na ang paggamit ng iba’t ibang mga bawal na droga, nagkakaroon tayo ngayon ng paghina at pagkamatay ng katawan. Kung wala ang katawan, hindi na rin mabubuo ang konsepto ng pagiging buhay. Kailangan ng katwiran upang mangasiwa sa mga tawag ng nasa at gana ng tao. At nariyan ang eidos ng Mabuti upang gumabay sa katwirang tumugon sa konsepto ng makatarungan. Kaya naman higit na may pakinabang ang paggawa ng makatarungan kaysa sa hindi makatarungan.

Dahil sa pag-unawang hatid ng gabay ng eidos ng Mabuti, natututuhan ng taong maging magaling sa aspekto ng paggawa—magaling sa aspekto ng pangagasiwa ng mga elemento upang magkaroon ng harmoniya ang kanyang psyche, kung saan naghahari ang dikta ng katwiran, na siyang nagbubuklod ng mga prinsipyong sinusunod at bumubuo ng katangian ng tao—para sa kanyang sarili at sa kanyang polis. Nagiging ugat na saligan ng moralidad, batay dito, ang paglayon ng mabuti sa paggabay ng eidos ng Mabuti, kung saan nabubuo ang isang tanyag na katwiran na nagpapalaganap ng katwiran para sa tao, para sa polis.

***

Ang saya-saya ko!! Sinabayan pa ng good news ng Polsci! At may pag-asa pa ako sa THEO!! Kaunting pagtitiyaga na lang!!! PHYSIO. THESIS. I can do this!!!

***

DEPLOYMENTS ON-GOING FOR MEDICAL MISSIONS. I WANT TO COME. BUT MY FAMILY IS COMING HERE IN MANILA! AT BIRTHDAY NI CJ SA FRIDAY AT DITO NA ISE-CELEBRATE. SO AYUN. HMMM.. SANA MAY MED MISSIONS PA NEXT WEEK.

Friday, October 2, 2009

CATEGORY 5 TYPHOON.

phonecall

im just very upset. PARANG BINAHA NA RIN AKO.