Kami sa ENTABLADO, ENterteynment para sa TAo, Bayan, LAnsangan, at DiyOs, ay kinokondena ang naganap na pagpaslang sa 64 katao noong ika-23 ng Nobyembre sa Ampatuan, Maguindanao. Naniniwala kami na ang kahindik-hindik na pagpaslang na naganap ay isang kawalang-hiyaan at pagbabaliwala sa karapatang pantao dulot ng sariling kasakiman at interes na matagal nang laganap sa bansa. Bilang isang organisasyong nagtataguyod ng karapatan ng bawat tao na magsulong ng katarungang panlipunan, naniniwala kami na ang pangyayaring ito ay isang pagkitil sa karapatan ng tao na makisangkot sa pagpapaunlad ng demokrasiya at sa pagpapasulong nito patungo sa pagbabago.
Kinikilala ng organisasyon ang kasaysayan ng bansa ukol sa mga dinastiya at sa mga laganap na pagpaslang dahil sa pulitika, ngunit nakakahiya na matagal nang lantarang nangyayari ito. Matagal na itong nangyayari sa bansa at ngayon lamang “kumikilos” ang gobyerno. Pinapatunayan lamang nito ang kawalan ng pag-unlad sa bansa dulot ng isang pamahalaan na walang ginawa kung hindi isulong ang pansariling interes lamang. Nakakalubag-loob ito lalo na at palapit na ang eleksyon kung saan umaasa tayo sa malaking pagbabago para sa kabutihan ng bansa. Dahil dito, nananawagan kami sa pamahalaan na kalasin ang mga pribadong hukbo sa bansa. Nagbibigay lamang ito ng kapangyarihan sa mga “dinastiya” na mang-abuso at mangahas ng ordinaryong mamayan.
Nakikiisa kami, bilang isang organisasyong isinusulong ang katarungang panlipunan, sa mga humihingi ng hustisya hindi lamang para sa mga napaslang noong ika-23 ng Nobyembre kung hindi pati na rin sa kanilang pamilya at sa iba pang naging biktima ng karahasan mula sa mga may kapangyarihan na nasa itaas; mga tao na siyang inihalal upang magtaguyod ng katarungan. Humihingi kami ng mabilisang aksyon mula sa gobyerno sa pagiimbistiga at pagbibilanggo ng mga may sala. Naniniwala kami na hindi sapat ang pagbibiit sa iisang tao lamang, datapwat isama ang mga opisyales ng gobyerno, mga sundalo, at mga pulis na walang ginawa upang pigilan ang pangyayaring ito.
Ang ENTABLADO, bilang isang organisasyong naniniwala sa karapatang panlipunan, ay nakikiramay sa mga biktima ng mga taong marahas, sakim, at mapang-abuso. Naniniwala ang organisasyon na ang ganitong mga pangyayari ay nagpapatibay lamang sa pangangailan ng bansa ng isang eleksiyong magdadala ng pagbabago. Isang pagbabagong idudulot ang tinatanaw naming pagbubuklod ng mamamayan laban sa abuso at pang-aapi, at sa pagiging isa ng bansa upang itaguyod ang karapatang pantao at panlipunan.